Sa tingin ko'y naiwala ko ang aking 2012 planner kaya't baka gumawa pa ako ng isa pang entry na naglalaman ng detalyadong entry sa mga nangyari sa akin ngayong taon - o baka hindi na din. HAHA!
Masyadong maraming nangyari ngayong 2012, ngunit ngayong huling araw ng taon aking napatunayan na ito ay isang taon ng pasasalamat. Iba't-ibang dagok at sakripisyo man ang aking mga nasagupa taos puso pa rin akong tumatanaw ng utang na loob sa Poong Diyos sa pagkakataon ibinigay niya sa akin upang mabuhay at humarap sa bukas na may ngiti sa aking mga labi.
Una sa lahat nais ko lamang magpasalamat sa aking pamilya. Sa dami ng ating mga kinaharap ngayong taon, ipinagmamalaki kong taas noo natin itong kinakaharap at magkakasama sa pagharap. Inaamin kong isang emotional roller coaster ang mga kaganapan, ngunit sa huli'y heto pa din tayo. Papa, Mama, Kuya, masaya kong haharapin ang papasok na taon dahil kapiling ko kayo at alam kong kaya nating lagpasan lahat ng mga pagsubok na ating pagdaraan.
Nais ko din pasalamatan ang aking mga kaibigan...
Mga kaibigan nung hayskul na magpasa hanggang ngayon ay pinagtyatyagaan pa din aking kakulitan. Hindi ko lubos maisip kung paano't sa huli ay naririyan pa din kayo, ngunit ito'y aking tinatanaw na isang himalang aking patuloy na tinatamasan. Magkakaiba man tayo ng kolehiyong pinagaaralan ay mayroon pa din tayong oras upang makipagkwentuhan kahit papaano.
Sa aking mga kaibigan ngayong kolehiyo, pinagpapasalamat ko din na naging parte ako ng inyong buhay lalo na ang mga bagong kaibigang nakilala ko ngayong patapos na ang taon. Hindi ko alam kung paano niyo ko natitiis sa aking kakulitan at katakawan ngunit ipinagpapasalamt ko na naririyan kayo lalo't higit na sa oras na hindi ko inaasahan.
Lubos din ang aking pasasalamat sa nagiisang driver ng bayan, Kuya Danny! Salamat sa iyong patuloy na pakikinig sa lahat ng aking mga saloobin. Salamat sa paghihintay mo gabihin man tayo ng uwi. Salamat at malugod mo akong ipinagmamaneho patungo sa iba't-ibang lugar. Hindi ko maisip kung ano na lamang ang magiging kinalabasan ng aking buhay kolehiyala kung wala ka, kaya Kuya Danny maraming salamat!
Ano nga ba ang mga nangyari ngayong 2012? Hmmm..
Ngayong 2012 ay naranasang kong pumayat kahit paano. January 3, 2012 (ayon sa nakasulat sa aking membership card sa fitness first), ito ang unang araw na inamin kong sa sarili kong panahon na upang magbago. Tumagal ang kahibangan ng paggym ng halos limang na buwan, napilitan akong tumigil dahil sa pagkakaospital ko noong Mayo. Halos nakapagbawas ako ng 30 lbs. Haha, hindi naglaon ay bumalik ang dati kong pagsigla sa pagkain kaya't heto na naman ang aking mas matabang pangagatawan.
Ngayong taong 2012 din ako nakaranas na maospital sa ikalawang pagkakataon at sa ikalawang pagkakataon ay dahil ito sa dengue. Marahil ay sadyang masarap ang aking dugo kaya't wala pa halos anim na buwan ay naospital muli ako. Ipinagpapasalamat kong wala akong naging komplikasyon at naging maayos naman ang lahat. Naging mas maingat na nga lamang ako ngayon kagaya ng lagiang pagspray ng off. Haha!
Ngayong 2012 ay bumagsak ako sa isang accounting subject. ACTPACO. At ngayong second term ko lamang ito muli nakuha at sa awa ng Diyos ay nakapasa at nakakuha ng markang maipagmamalaki ko na.
Ngayong 2012 ay natapos ko na ang THESIS at OJT ko. Sa wakas! Lubos kong pinapasalamatan ang aking sarili sa pagpupursigi upang mapabuti ang aking kalagayan. Salamat din sa thesis partner ko.
Ngayong 2012 ay naging parte ako ng organisasyong Ley La Salle. Hindi man ako kasing sipag katulad ng ibang myembro ay sinusubukan ko pa din na makatulong sa mga boss ng org.
Ngayong 2012 ay natapos ko na halos lahat ng aking mga asignatura. Mayroon na lamang akong natitirang 18 units o anim na asignatura para sa susunod na term. Ang saya ng pakiramdam na halos patapos na ang aking tatlong taong pagaaral sa aking minamahal na kolehiyo Pamatasan ng De La Salle.
Ngayong 2012 ay nakapag entrance exam ako para sa law school. Nawa'y makapasa ako ng aking matupad na ang aking pangarap at maging isang abogado.
Ngayong 2012 ay mas nakilala ko ang aking sarili. Isang indibidwal na pinipilit isaalang-alang ang iba bago ang sarili. Isang indibidwal na tamad ngunit nagsisipag kung kinakailangan. Isang indibidwal na pinipilit magpakumbaba kaya't halos wala ng self-esteem. Hahaha!
Ngayong 2012 ay nalaman kong isa pala akong Anglophile o isang taong mahilig sa ano mang bagay na British. Kagaya ng palagiang paginom ng tsaa mula sa Twinnings at TWG, sa pagbili ng mga gamit na may bandilang UK, hanggang sa taimtim na panalangin na makabisita sa bansang London. Malaki ang naging impluwensya ng aking minamahal na Robert Pattinson sa bagay na ito. Sa huli'y nais ko lamang siyang makita ng harapan.
Ala una trenta'y sais na ng umaga, at sa oras na ito'y nais ko ng tapusin ang entry na ito.
Muli, salamat taong 2012.
Halina taong 2013, malugod kitang tatanggapin bitbit ang pag-asang may mas magandang bukas na kakaharapin.
No comments:
Post a Comment